Loading please wait
Breeding

TAMANG PAG-AALAGA AT PANGANGASIWA NG ALAGANG INAHIN

Pagpili ng Palahiang Baboy.

– Panahon ng Pagpili ng dumalagang gagawing inahin. Ang pagpili ay ginagawa kung ang baboy ay nasa edad na 4-5 buwan. Sa ganitong paraan ay malalaman na ang totoong pisikal na kaanyuan ng gagawing palahian. Para sa mas maraming impormasyon tungkol sa mga lahi ng baboy pumunta lamang sa swine breed section

Batayan ng Pagpili

  1. Dapat hindi bababa sa 6 na pares ang suso ng gagawing inahin.
  2. Ang suso dapat ay pantay-pantay at walang patay at baliktad na utong.
  3. Ang ari ng babae ay may tamang laki at ang posisyon ay hindi dapat nakasalo sa labasan ng dumi.
  4. May mahabang pangangatawan at medyo naka arko.
  5. Ang mga paa ay kailangan malakas at matatag. Pantay dapat ang haba ng kuko at ang maliit na kuko sa likuran ng mga paa ay dapat hindi nakasayad.

Para sa impormasyon tungkol sa paraan ng pagpapalahi pumunta lamang sa “magandang lahi at wastong pagpapalahi

Mga dapat tandaan bago palahian ang isang dumalaga:

  1. Edad 7 ½ – 8 buwan sa araw ng pagpapalahi. 
  2. Timbang 110 kilo hanggang 120 kilo.
  3. Naka-dalawa o naka-tatlong pag landi.

Dapat tumutugma ang edad sa timbang upang ang dumalaga ay sexually mature na at ang pangangatawan ay handa na sa pagbubuntis at panganganak.

Paglalandi

– Ang paglalandi ay palatandaan na ang isang dumalaga ay nasa tamang edad o inahin ay handa ng magpa-sampa. Ang pag lalandi ay nagaganap kada 17 –  24 araw at tumatagal ng 5 – 6 araw.

Palatandaan ng Paglalandi

  • Walang ganang kumain 
  • Namamaga at namumula ang ari 
  • Maingay at di mapakali 
  • Sumasampa o nag papasampa
  • Hindi kumikibo kapag tinutu-unan sa likod
  • Napapaungol o di kaya naman ay napapataas ang tenga kapag nakarinig o nakaamoy ng barako

hindi lahat ng palatandaan na ito ay makikita ng sabay sabay.

Pagpapakasta

– Ang pag papakasta ay dapat gawin sa pinakamalamig na oras ng araw. Ginagawa ito upang lalong lumaki ang porsyento na magbubuntis ang inahing pinakastahan. Ang pag papakasta ay dapat gawin ng 2 beses. Ang ganitong paraan ay maaaring magbigay ng 2 karagdagang biik kada anakan.

Pagbubuntis

– Ang pagbubuntis ay tumatagal ng 114 araw o 3 buwan, 3 linggo at 3 araw ngunit ito ay maaaring umiksi ng 109 araw o tumagal ng 120 araw. Magkasing tagal ang pagbubuntis ng dumalaga at inahin. Ang dumalaga o inahing nagbubuntis ay kailangang mabigyan ng kaginhawaan. Iwasan ang pagpapahirap dito tulad ng siksikan at mainit na kulungan, kakulangan sa tubig at pagkain.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *